Tuesday, February 1, 2011

Mga Tula ng Pag-ibig

Ang mga sumusunod na tula ay isinulat ng aking kaibigan:

Tayo Na Ba?

“Mahal kita!”, sabi ko
“Mahal din kita”, sabi mo
Tanong ko, tayo na ba?

Pinatawa kita
Napahalakhak ka
Tanong ko, tayo na ba?

Nakita kitang umiiyak
Nilapitan at pinatahan kita
Tanong ko, tayo na ba?

Niyakap kita
Nayakap mo rin ako
Tanong ko, tayo na ba?

Hinalikan kita
Hinalikan mo rin ako sabay ngiti
Palagay ko, tayo na nga.


Mahal na kita

Nakilala kita nang tayo’y bata pa
Lubhang nabighani sa taglay mong ganda
Kung kaya sa iyo ay nagpakilala
Matamis na awit sa ati’y nagbunga

Sa bawat sandali na ika’y kasama
Hindi maipinta yaring nadarama
Sa mga sandaling sa tabi’y wala ka
Itong aking puso lubhang nagdurusa

Ano nga ba itong aking nadarama?
Bakit ba ganito, hanaphanap kita?
Hindi kaya ako ay umiibig na?
Ewan! Basta alam ko, Mahal na kita.


Yakap

Ano ba ang yakap, Inay?
Sabi nila masarap daw ito
Bakit nila nasabi iyon, Inay?
Nakakain ba ito?

Ano ba ang yakap, Inay?
Sabi nila gamot daw ito
Bakit nila nasabi iyon, Inay?
Nakapagpapagaling ba ito?

Ano ba ang yakap, Inay?
Sabi nila pera raw ito
Bakit nila nasabi iyon, Inay?
Nakapagpapayaman ba ito?

Ano ba ang yakap, Inay?
Sabi nila panaginip lang daw ito
Bakit nila nasabi iyon, Inay?
Sa pagtulog lang ba nakikita ito?

Ano ba talaga ang yakap, Inay?
Gusto ko rin itong maramdaman
Gusto ko rin itong maranasan
Yakapin mo naman ako, Inay
Sige na naman.


Ikaw ba ang Ulan?

Sa tuwing papatak ang ulan
Alam kaya niya ang kanyang babagsakan?
Basta nalang ba siyang pumapatak at bumabagsak
Biglang bumubuhos nang walang dahilan?

Sa biglaang pagbuhos ng ulan
Alam ba niyang ako ay nasasaktan?
Hindi kaya sinasadya niyang ako ay masaktan
O nakikipaglaro lang sa akin ang ulan?

At sa tuwing nababasa ako sa ulan
Alam kaya niyang ako ay giniginaw?
Alam ba niyang ako ay nanlalamig?
Alam kaya ng ulan ang aking nararamdaman?

Ngunit sa pagtigil ng patak ng ulan
Bakit labis na pangungulila ang aking nararamdaman?
Alam ba niyang labis akong nasasaktan?
Bakit hindi ka makasagot?
Ikaw ba ang Ulan?

1 comment:

  1. Sino po author ng "Yakap"? Need ko lang po sa school. Thanks

    ReplyDelete